Hinikayat ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang Senado na ibalik ang P10 bilyon tinapyas ng Kamara sa P50 billion budget para sa AFP modernization program para sa susunod na taon.
Ayon sa senador, in-adopt sa bersyon ng Senate Finance Committee ang pagbabagong ginawa ng Kamara sa panukalang pondo para sa AFP modernization program.
Sinabi ni dela Rosa na taliwas ang budget cut na ito sa ginagawang pagpapahayag ng ilang mga pulitiko ng suporta sa AFP kapag may napapahamak habang ginagampanan nila ang kanilang tungkuling protektahan ang teritoryo ng Pilipinas, particular sa West Philippine Sea.
Aniya, bilang dating miyembro ng AFP at PNP ay hindi niya maiwasang hindi mapansin ang ito.
Giit ni Sen. Bato, sana ay tugma ang sinasabi ng mga pulitiko sa kanilang mga ginagawa lalo na bilang mga mambabatas na mayroong power of the purse.
Kaya naman apela ng mambabatas, ibalik ang nabawas na pondo sa modernisasyon ng sandatahang lakas para mapataas rin ang morale ng tropa ng Pilipinas.
Nangako naman aniya si Senate Finance Committee Chairperson Senadora Grace Poe na ikokonsidera ang apela ni Dela Rosa. | ulat ni Nimfa Asuncion