Pinabulaanan ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga impormasyong kumakalat na sa kanya ang sasakyang may plakang ‘7’ na pumasok sa EDSA busway.
Ayon kay Gatchalian, wala siyang sasakyan na Cadillac Escalade.
Giniit ng senador na dalawa lang ang sasakyan niyang may protocol plate na 7, isang Toyota Alphard at Toyota Sequoia.
Binahagi rin ni Gatchalian na pinahiram rin siya ni dating senador at ngayo’y education Secretary Sonny Angara ng isang bullteproof na sasakyan noong kasagsagan ng Senate inquiry nila tungkol sa mga POGO.
Ito ay dahil nakatanggap siya noon ng mga death threat.
Matatandaang matapos lumabas sa balita ang paninita ng DOTr Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) tungkol sa nasita nilang SUV na may plakang ‘7’, may kumalat rin na blind item na nagsasabing si senator “S” ang may-ari ng nag viral na sasakyan.
Kumalat ring muli ang balita noon na ginagamit ng ama ni Sen. Win na si William Gatchalian ang SUV na may plakang 7.| ulat ni Nimfa Asuncion