Nanindigan si Senate President pro tempore Jinggoy Estrada na kaya niyang patunayan ang iregular na pagtaas ng mga botante sa San Juan City mula 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Ito ang tugon ng mambabatas sa hamon ni San Juan City Mayor Francis Zamora na patunayan ang kanyang alegasyon tungkol sa flying voters sa lungsod.
Una nang prinesenta ni Estrada ang naturang isyu sa naging budget deliberations ng senado sa panukalang 2025 budget ng Comelec.
Aniya, base sa datos ay umabot ng 32.13% ang pagtaas ng bilang ng mga botante sa lungsod na maituturing aniyang iregular dahil maliit lang ang lungsod para magtala ng ganito kalaking pagtaas ng mga botante sa maikling panahon.
Giniit rin ng senador na malakas lang ang loob ni Zamora na maghamon na maghain sila ng petition for exclusion dahil alam nitong nag-lapse na ang period of filing para dito.
Bago pa rin aniya lumabas ang isyung ito ay may naihain nang petition for annulment ng voters’ list ng San Juan City noong 2022 matapos isagawa ang May 2022 elections.
Kaugnay nito, hinihiling ni Estrada sa Comelec na aksyunan ang usapin na ito.
Nangangalap na rin aniya ang senador ng mga datos para suportahan ang petition for exclusion ng ilang mga botante para sa May 2025 elections. | ulat ni Nimfa Asuncion