Bineberipika na ngayong ng Land Transportaion Office (LTO) kung totoo ngang isang senador ang nagmamay-ari ng sasakyang may plakang ‘7’ na nahuling dumaan sa EDSA busway.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, ito ang pinakahuling sinabi sa kanya ng LTO sa pakikipag-usap niya sa ahensya.
Sakali naman aniyang mapatunayang senador nga ang nagmamay-ari nito, malinaw aniyang may nilabag itong batas at dapat itong panagutan.
Kapag napatunayan aniyang senador ang may-ari ng sasakyan, inaasahan ni Escudero na kusang haharap ang senador na ito at aatasan ang taong nagmamaneho ng nahuling sasakyan na harapin ang parusa ng kanyang ginawa.
Pinaliwanag ng Senate President na naka-issue sa isang partikular na sasakyan plakang siyete.
Nire-request aniya ito ng isang senador at wala namang nakalagay sa memo circular na dapat ang senador lang mismo ang gumamit ng sasakyang may plakang siyete
Kasabay nito ay pinuri ni Escudero sina Secretariat Sarah Barnachea ng DOTr-SAICT sa pagiging kalmado sa sitwasyon sa kabila ng inasal ng mga sakay ng nahuling sasakyan.| ulat ni Nimfa Asuncion