Pinanindigan ni Speaker Martin Romualdez ang pagsuporta sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Aniya, marami sa mga nakakausap nila na kapos talaga ang kita ang natutuwa sa tulong na ito ng pamahalaan.
Kaya naman kakausapin aniya niya ang mga kaibigan sa Senado na huwag nang tapyasan ang pondo ng AKAP para sa 2025.
“Sasabihin ko na sa ating mga kaibigan natin sa Senado, umikot na lang muna kayo at tanungin niyo muna sa taumbayan kung ano’ng gusto nila. Sa nakikita ko po, sa lahat ng pinupuntahan natin, gustong-gusto at napakabuti nitong programang ito,” aniya.
Sabi pa niya sa hiwalay na panayam, mas mabuti na umikot din ang mga senador sa baba at pakinggan ang mga mamamayan.
Dagdag pa ng House Speaker, na sa pag iikot nila sa higit dalawang dosenang probinsya dahil sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay gusto talaga ng mga kababayan natin ang programa na ito mula sa DSWD.
“Opo, nadidinig po natin ‘yong iba sa Senado, hindi yata nakakaintindi kasi hindi yata sila bumababa masyado. Kaya nandito kami, umiikot kami lahat sa mga probinsya, dito sa mga Bagong Pilipinas Serbisyo Fair. Higit dalawang dosenang probinsya ang naikutan namin, ngayon bumalik kami sa Bicol. Nakikita po natin ay ito po ang gusto ng mga kababayan po natin na programa, galing sa DSWD,” dagdag niya.
Sa ilalim ng AKAP nagpapaabot ng P3,000 hanggang P5,000 cash assistance sa mga benepisyaryo na ang kita ay mas mababa sa poverty threshold, ngunit hindi naman sakop ng iba pang government intervention program. | ulat ni Kathleen Forbes