Iginiit ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na nananatili ang matatag na imbentaryo ng asukal sa bansa at walang ‘oversupply’ nito.
Tugon ito ng SRA kasunod ng pahayag ng ilang grupo na ang sobra-sobrang suplay ang nagdudulot ngayon ng bagsak presyo sa asukal.
Pinabulaanan din ni SRA Admin. Pablo Luis Azcona ang haka-haka na kaya maaantala sa 2025 ang desisyon sa pag-aangkat ng asukal ay para pigilan ang pagbaba ng presyo sa mill gate.
“There was no other intention for that announcement other than stand by our mandate to be transparent and keep the stakeholders informed, and the Sugar Council would have known that if they attend stakeholders meetings being called by the DA and SRA instead of propagating lies through the media, to cause separation and instability within the industry.”
Dismayado rin si Azcona dahil tila mas pinipili umano ng ilang grupo na idaan sa media ang kanilang reklamo para guluhin ang industriya, imbes na idaan ito sa pormal na diskusyon.
Kasunod nito, binigyang-diin ng SRA na nananatiling nasa tamang antas ang imbentaryo ng raw at refined sugar para mapanatili ang kinakailangang buffer.
“As of November 10, 2024, our production of sugar is down by 61%, and we have prepared for this with the proper buffer supply, and as to their claims of over supply for both raw and refined sugar, we are currently 35-37% below the levels recorded last year.”
Hinikayat din ni Azcona ang Sugar Council na dumalo sa mga konsultasyon para maipabatid sa kanila ang mga plano at polisiya sa industriya ng asukal. | ulat ni Merry Ann Bastasa