Tumungo mismo sa Gonzaga, Cagayan ang isang team ng Storm Chasers mula sa DOST-PAGASA Central Office upang makalikom ng real-time at wastong datos kaugnay sa bagyong Marce.
Ayon kay PAGASA Tuguegarao Weather Specialist Noel Edillo, sa pakikipag-ugnayan sa LGU, ang hakbang na ito ay bilang paghahanda na rin sa inaasahang pag-landfall ng bagyo sa lalawigan.
Dala-dala ng specialized team ang iba’t ibang weather instruments para sa pangangalap ng datos na maibabato sa kanilang operations center, na magagamit naman upang makabuo ang kanilang mga meteorologist ng mas mahusay na forecast ng bagyo.
Gamit ang na-install na specialized sensors ng team, mamomonitor dito ang aktwal na wind speeds at atmospheric pressure.
Nagsasagawa rin ang grupo ng on-the-ground surveys, kung saan kanilang sinusuri ang potential impacts ng bagyong Marce, kabilang na rito ang storm surge, severe winds, at mga pagbaha.
Ayon kay Edillo, malaking tulong ang mga makukuhang datos dito na magiging basehan ng mga paghahanda ng mga LGU, maging sa hinaharap, lalo na’t nagsisimula nang ipatupad ng PAGASA ang impact-based forecasting sa mga bagyo.
Magtatagal ang grupo hanggang sa lumipas na at wala nang gaanong mararamdamang matinding epekto ng bagyo. | ulat ni April Racho | RP1 Tuguegarao