Binigyang diin ngayon ni House committee on labor and employment chair Fidel Nograles ang importansya ng pagiging business-ready ng Pilipinas sa paglikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Tugon ito ng mambabatas sa pahayag ng Anti-Red Tape Authority na target ng Pilipinas na mapabilang sa top 20 percent ng mga bansa na sinusuri ng World Bank para sa kanilang Business Ready (B-READY) report pagsapit ng 2026.
“A business-ready climate will attract both the foreign and local private sector to set up shop in the country, thus generating jobs for our people and spurring the economy,” ani Nograles.
Para naman maisakatuparan ito, kailangan aniya magtulungan ng pamahalaang nasyunal at lokal sa pagtugon sa mga nagpapabagal ng ease of doing business.
Paalala pa niya na kailangan tiyakin ang tamang pagpapatupad ng Ease of Doing Business Act, lalo na pagdating sa digitalization ng mga operasyon para maiwasan na ang bureaucratic red tape.
“This is a noble objective that will have life-changing consequences for many Filipino families. This is why I really hope that the whole nation rallies behind this goal and work hard towards attaining it,” dagdag ng mambabatas.
Kabilang sa sinusuri ng B-READY report ang regulatory framework, public services, at operation efficiency.
Sa unang B-READY report na inilabas nito lang Oktubre pang labing anim ang Pilipinas sa limampung ekonomiya o nasa top 40 percent pagdating sa regulatory framework.
Habang 24th tayo sa public services at pang 36th sa operational efficiency. | ulat ni Kathleen Forbes