Biyaheng Bicol si Speaker Martin Romualdez at iba pang miyembro ng Kamara ngayong araw upang personal na ipaabot ang tulong sa mga taga-Bicol na lubhang naapektuhan ng Super Typhoon Pepito.
Unang tutungo ang House Speaker sa Catanduanes na siyang ground zero ng bagyo.
Sunod naman na mamamahagi ng ayuda sa Legazpi City, Naga City at Pili, Camarines Sur.
Matatandaan na Martes, dumating sa Bicol ang higit 20 truck na naglalaman ng mga relief goods gaya ng bigas at canned goods at rehabilitation materials.
Ayon kay Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, magkatuwang ang National Housing Authority (NHA) at private contractors at developers sa paglalaan ng mga materyales pang kumpuni ng mga nasirang bahay.
Ang PHILRECA o Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc. at National Electrification Authority (NEA) naman ay nagbigay din, aniya, ng ayuda dahil sa dami ng posteng tinumba ng bagyo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes