Nais ni Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gatchalian na maimbestigahan sa Senado ang mga tax leakage dulot ng paglaganap ng paggamit ng mga pekeng Person With Disability (PWD) identification card (ID) para makakuha ng 20 percent discount at value added tax (VAT) exemption.
Sa inihain niyang Senate Resolution 1239, ibinunyag ni Gatchalian na may mga ulat rin ng mga indibidwal na nagbebenta ng mga pekeng PWD ID sa ilang mga lugar sa bansa.
Giit ni Gatchalian, ang paggamit ng mga pekeng PWD ID ay maituturing na pagnanakaw ng kita ng pamahalaan.
Dahil pinopondohan din aniya ng iba’t ibang local government units ang iba’t ibang tulong at insentibo para sa mga PWD, ang paggamit ng mga pekeng PWD ID ay kontra sa mga programa ng mga LGU para matugunan ang mga pangangailangan ng mga PWD.
Dinagdag rin ng senador na, ang ibang mga may-ari ng restaurant ay nagpahayag na din ng pagkabahala dahil sa pagkalugi na natatamo nila sa paggamit ng mga pekeng PWD ID. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion