Tuloy tuloy ngayon ang ginagawang Emergency Telecommunications Response ng Department of Information and Communication Technology o DITC para sa mga lugar na pinuruhan ng Bagyong Pepito.
SA kapihan forum ng PIA, sinabi ni DICT Asec. Aboy Paraiso na nakadeploy na ang mva Mobile Operations Vehicle for Emergencies (MOVE) Set at Government Emergency Telecommunications Team nito sa Cagayan Valley region, Central Luzon, Bicol region at Eastern Visayas para makapaghatid ng maaasahang serbisyo ng komunikasyon sa mga apektadong residente.
Partikular na naghahatid ito ng internet connection at charging services sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad gayundin ang mapanatili ang tuluy-tuloy na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at disaster response agencies.
Ayon pa kay Asec. Paraiso, aprubado na rin ni DICT Sec. Ivan John Uy ang emergency procurement para sa agad na pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad dulot ng bagyo.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng DICT ang NTC na bantayan at pamadaliin sa mga telco ang pagbabalik ng serbisyo ng kanilang komunikasyon.
Samantala, kaisa rin ang DICT sa hiling ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga tanggapan ng gobyerno na gawing simple lang ang pagdaraos ng Christmas party.
Ayon kay DICT Asec. Aboy Paraiso, isusulong nila ang pagkakaroon ng donation drive para makatulong sa mga biktima ng mga nagdaang kalamidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa