Ibinahagi ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco na magtutuloy-tuloy tuloy ang Programang Tourism Champions Challenge (TCC).
Ayon sa naging panayam kay Tourism Secretary Frasco sa kanyang naging pagbisita sa Bolinao, Pangasinan upang pangunahan ang groundbreaking ceremony ng isa sa nanalong proyekto sa TCC, ang programa ay alinsunod umano sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maisulong ang mas pinalawig na imprastraktura sa sektor ng turismo.
Layunin ng TCC challenge na mapalakas ang ugnayan ng nasyunal na pamahalaan at lokal na pamahalaan, gayundin ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa paglikha ng mga proyekto na makakapagsulong sa industriya ng turismo.
Binigyang diin din ni Secretary Frasco na ang The Legacy of the Sea: Silaki Island Community-based tourism project ay isa sa pangunahing halimbawa ng layunin ni Pangulong Marcos na maisulong ang whole of government approach sa pagsusulong ng turismo.
Magugunitang naglaan ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) at ang opisina ni Pangulong Marcos ng P155 Milyon grants para sa 15 nanalong proyekto sa TCC. | ulat ni Ricky Casipit | RP1 Dagupan