Nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Marce.
Ayon sa PAGASA, huli itong namataan sa layong 935km sa karagatan sa silangan ng Eastern Visayas.
Sa ngayon ay nasa tropical storm category ang bagyo, taglay ang lakas ng hangin na 65 kilometers per hour at bugso na 80 kph.
Habang kumikilos pa-hilagang-kanluran ang bagyo ay maaari nitong palakasin ang northeasterly windflow habang ang buntot ng bagyo ay posibleng magdala rin ng mga pag-ulan sa Northern Luzon at silangang bahagi ng Luzon simula bukas o sa Martes.
Posible ngang magtaas na ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Cagayan bukas.
May dalawang scenario na tinitignan ang PAGASA sa bagyong Marce. Isa rito ang maaaring mas kumilos pa-kanluran ang bagyo papuntang Hilagang Luzon o mainland Luzon, o gumalaw ito nang pabago-bago sa Philippine Sea silangan ng Northern Luzon.
Inaasahang unti-unting lalakas ang bagyong ito at maaaring umabot sa severe tropical storm bukas ng umaga o hapon. Bukod dito, maaari rin itong umabot sa typhoon category bukas ng gabi o sa Miyerkules ng madaling araw. | ulat ni Merry Ann Bastasa