Aminado ang DOST-PAGASA na nakakaranas din ng fatigue o pagod ang mga tagapag-ulat ng bagyo lalo na ngayong sunod-sunod ang mga kalamidad sa bansa.
Ayon kay Ana Solis, head ng Climate Monitoring and Prediction ng DOST-PAGASA, normal ito kapag walang tigil na nagbibigay ng update sa bagyo ang mga tagapagbalita ng PAGASA.
Kaya naman, mahalaga aniya ang support system sa kanilang ahensya.
Paliwanag nito, may internal memorandum nang ipinalabas sa lahat ng meteorologist at mga weather specialists gayundin ang iba pang tech specialist para magbigay ng technical assistance sa mga weather forecaster.
Sa ganitong paraan ay magkakaroon ng pagkakataon ang weather forecasters na makapagpahinga mula sa oras-oras na pagbibigay sa publiko ng update sa bagyo.
Kaugnay nito, muli namang hinikayat ni Solis ang
publiko na palagiang maghanda at alamin ang update ng bagyo upang agad makagawa ng aksyon para makaiwas sa anumang epekto na idudulot ng kalamidad.
Magugunitang sa nagdaang mga buwan at linggo ay halos sunod-sunod ang nararanasang bagyo sa bansa tulad ng bagyong Carina, Kristine, Marce, at ngayon ay nagbabanta din ang bagyong Ofel at Pepito. | ulat ni Merry Ann Bastasa