Suportado ng miyembro ng Young Guns Bloc ng kamara ang posisyon ni Senate President Chiz Escudero na bigyan ng kopya o sertipikahan ang kopya ng transcript ng naging pagdinig ng Senado sa isyu ng extra judicial killings.
Ito’y sa gitna ng pagtutol ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa hakbang na aniya’y tila pakikipagtulungan na sa International Criminal Court gayong hindi naman tayo miyembro nito.
Sabi ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, isang pampublikong pagdinig ang naging pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon subcommittee kaya’t walang problema kung sertipikahan ng Senado ang transcript nito.
Dagdag pa ni Acidre, kung pawang katotohanan naman ang mga isinalaysay sa naturang pagdinig ay walang dapat ipangamba si Sen. Dela Rosa kung ito man ay ipresenta sa ibang forum.
“I don’t see the point of the good senator kung bakit ayaw niya. It cannot be misconstrued as cooperating because other than what actually happened and what actually has been said, wala namang idadagdag doon. It’s a matter of certifying lang. At kung naniniwala naman yung katotohanan ay naisabi, kung totoo ang sinabi doon sa Senate hearing kahit kanino pa isubmit yun hindi naman magbabago yun e. Ang katotohanan will remain to be the truth. And if Sen. Bato dela Rosa is confident about it, why would he worry about it if it’s presented at another forum?” sabi ni Acidre.
Ganito rin ang paniwala ni ako Bicol Party-list Rep. Jill Bongalon.
Hindi rin siya naniniwala na ang pagbibigay ng kopya ng transcript at pagtulong sa ICC.
“Again it was emphasized by SP Chiz Escudero, if it’s for the purpose or justifiable purpose, then they will issue it andI guess wala hong dapat na senador na dapat kumontra para po sa pag- release ng official transcript. Ano po ba ang dapat katakutan kung ito po ay i-release and I guess the grant and request for the transcript is not in any way aiding the ICC. Because we have to remember that the ICC is doing any investigation independently,“ sabi pa ni Bongalon.
Una nang sinabi ni Senate President Escudero na wala siyang nakikitang dahilan para hindi makakuha ng kopya ang International Criminal Court o kahit sinuman ng transcript ng naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee lalo at isinapubliko na nila ang transcript at maaari na itong kunin ng kahit na sino dahil ito ay isang public document.| ulat ni Kathleen Forbes