Young Guns ng Kamara, binatikos ang mga pagbabanta ng bise presidente laban kay PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inalmahan ng Young Guns bloc ng Kamara ang naging pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban mismo sa Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama na si First Lady Liza Araneta Marcos at Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega, ang mga “padalos-dalos at mapanganib” na pahayag ng bise ay posibleng indikasyon na kailangan na itong sumailalim sa isang psychological evaluation.

“Hindi normal ang ganitong klase ng pahayag mula sa isang mataas na opisyal ng gobyerno. Dapat nating tanungin, nasa tamang pag-iisip pa ba si Vice President Duterte? These words are dangerous, reckless, and deeply concerning,” ayon kay Ortega.

Ayon kay Ortega, lumampas na sa kanyang hangganan ang Bise Presidente sa utos nito sa isang hindi pinangalanang indibidwal na patayin ang pangulo, unang ginang at House Speaker kapag siya ay pinatay.

Aniya kailangan itong imbestigahan ng mga otoridad at intelligence agencies.

Ngunit kung sakaling biro lang ito ay hindi aniya ito katanggap-tanggap dahil hindi ito nakakatulong sa bayan at nag dudulot lang ng pagkakawatak-watak.

“Kung seryoso siya sa sinasabi niya, dapat itong imbestigahan nang mabuti. Pero kung ito’y biro lang, mas lalo itong hindi katanggap-tanggap. Either way, these remarks show a lack of judgment unbefitting of a public servant. Ang ganitong klaseng salita ay hindi nakakatulong sa bayan. Sa halip na magkaisa, nagdudulot ito ng takot at pagkakawatak-watak,” ayon kay Ortega.

Ikinabahala naman ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre ang ipinakitang “toxic behavior” ng bise.

Sabi pa ng kinatawan na hindi na niya binigyan ng dignidad ang tanggapan na kaniyang kinakatawan.

“Bilang Bise Presidente, hindi dapat siya umaakto na parang wala sa tamang kaisipan. Her toxic behavior is concerning and may reflect an alarming state of mind. This does not suit her, especially given the dignity of her office. Hindi na niya binigyan ng dignidad ang kanyang tanggapan. What happened was a meltdown, plain and simple. And she said many bad things pa na dapat ay hindi naririnig ng ating mga kabataan mula sa kanilang mga lider sa gobyerno,” saad niya.

Nagbabala si Acidre na ang mga ganitong pag-uugali, lalo na ang pagbabanta laban sa kapwa mga opisyal sa pamahalaan ay maaaring lalong magpaguho sa tiwala ng publiko sa kanyang pamumuno.

“Sa halip na tumutok sa mga mahahalagang isyu ng bayan, mas pinili niyang magpakita ng ganyang asal. Hindi ito ang inaasahan ng sambayanan mula sa isang mataas na opisyal. Such language and behavior are unacceptable from anyone, much more from the vice president. She should remember that her words carry weight and have consequences.” ayon pa kay Acidre

Payo naman ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun na huwag hayaang malihis ang atensyon sa totoong isyu.

Naniniwala ang mambabatas na ang mga binitiwang salita ng Pangalawang Pangulo sa isang press conference kamakailan ay naglalayong ilihis ang atensyon ng publiko mula kinukuwestyong paggastos ng P612.5 milyong confidential fund nito.

“Huwag po tayong magpabudol. Ang tunay na isyu rito ay ang P612.5 milyon na confidential funds na kailangang ipaliwanag ng Bise Presidente sa publiko. Hindi dapat magpadala sa mga diversionary tactics na ganito,” ani Khonghun. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us