Mahigit sa 1.8 milyong pasahero ang naitala sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong holiday season, ayon sa datos mula Disyembre 20 hanggang ngayong araw ika-29 ng Disyembre 2024.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang dagsa ng mga biyahero sa terminal ngayong huling weekend bago ang magbagong taon.
Simula noong Disyembre 20, nagtala ang PITX ng pinakamataas na foot traffic noong Disyembre 23 na umabot sa 232,974 pasahero. Samantala, ang Disyembre 25, mismong araw ng Pasko, ay may pinakamababang bilang na 162,213. Ngayong araw, 50,820 na pasahero na ang dumaan sa terminal hanggang alas-11:00 ng umaga.
Paalala naman ng pamunuan ng PITX, bawal ang pagdadala ng paputok lalo na ang pagsakay nito sa mga bus pero sa kabila nito nakakumpiska pa rin ng mga ito mula sa mga pasahero sa nagdaang linggo.
Maliban sa paputok ilang ipinagbabawal na gamit pa rin ang nakukumpiska ng sa mga pasahero kabilang na ang mga kutsilyo, cutter, gasolito, butane gas, at itak.
Samantala, nagpaalala rin ang PITX sa mga pasahero na ugaliing planuhing mabuti ang inyong mga biyahe para sa sure na hassle free and stress-free ngayong holidays dahil ilang bus companies na rin ang pauna nang nagpaalala na wala itong mga biyahe lalo na sa mga araw ng bisperas ng bagong taon at sa unang araw ng 2025. | ulat ni EJ Lazaro