Nagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang 126 na pamilyang benepisyaryo sa General Luna, Quezon, sa isinagawang Pugay Tagumpay Graduation Ceremony kamakailan.
Ayon sa pabatid ng DSWD Calabarzon, sa seremonya ay tinanggap ng lokal na pamahalaan ang mga nagsipagtapos para sa after care services, upang matiyak na mapananatili ang maayos na antas ng kanilang pamumuhay at maiwasan ang pagbalik sa dati nilang kalagayan.
Pinuri ni Mayor Matt Erwin Florido ang pagsisikap ng mga pamilya na pagbutihin ang kanilang buhay at tiniyak ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan, lalo na sa pagbibigay ng mga scholarship para sa mga mag-aaral sa kolehiyo.
Nagbahagi ng tagumpay ang isa sa mga nagtapos sa programa, si Ginang Rosalie Redoma.
Aniya, sa tulong ng programa, nakapagpatapos siya ng tatlong anak sa kolehiyo. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Naga