Matagumpay nang nakabalik sa bansa ang 13 Filipino surrogates mula Cambodia matapos silang bigyan ng Royal Pardon ni His Majesty Preah Bat Samdech Preah Boromneath Norodom Sihamoni (pre dat sam det pre borom-net norodom siha mo ne) noong Disyembre 26, 2024.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang kanilang pag-uwi ay naisakatuparan sa tulong ng Philippine Embassy sa Phnom Penh at ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), matapos silang mahatulan ng korte ng Cambodia noong Disyembre 2, 2024, dahil sa paglabag sa batas laban sa human trafficking.
Lubos namang nagpapasalamat ang pamahalaan ng Pilipinas sa Royal Government of Cambodia, sa pangunguna ni Prime Minister Hun Manet, para sa makataong pagtrato at pagpapauwi sa mga nasabing indibidwal. Ito ay patunay umano ng matibay na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa at ang kanilang pagsisikap na labanan ang transnational crimes.
Pinaalalahanan din ng DFA ang publiko na ang surrogacy ay bawal sa Cambodia at may kaakibat na parusa sa sinumang lalabag sa kanilang mga batas.| ulat ni EJ Lazaro