2/3 sa 1,992 na pangalan na binayaran umano gamit ang confidential funds ng OVP walang record ng kapanganakan sa PSA

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na two-thirds sa 1,992 na indibidwal na sinasabing binayaran gamit ang ₱500 million na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) mula 2022 hanggang 2023 ang walang record ng kapanganakan.

Sa tugon ni National Statistician at Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa kay House Blue Ribbon Committee Chair Joel Chua, nakasaad na 1,322 na mga indibidwal sa mga isinumiteng acknowledgement receipts ng OVP ang walang birth record.

Habang 670 sa mga ito ang “most likely matched” o may kapangalan sa record ng PSA.

Sa dagdag na beripikasyon, 1,456 sa mga pangalan ang walang marriage records, pero may 536 na possible matches.

At nasa 1,593 naman ang walang death records, na may 399 na posibleng kapangalan.

Dahil dito, mas naniniwala na ngayon si Chua na gawa-gawa na lang ang naturang mga resibo.

“This certification from the PSA leaves little doubt—if these names cannot be found in the civil registry, it strongly suggests they do not exist. The ARs may have been manufactured to justify the disbursement of confidential funds,” aniya.

Kaya naman tanong niya ngayon, kung hindi totoo ang mga pangalan sa resibo ay saan napunta ang perang pinambayad sa naturang mga indibidwal.

Matatandaan na nang pinaberipika ng Komite kung mayroong Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin sinabi ng PSA na walang record ang mga ito sa kanilang Civil Registry database.

Gayundin ang 405 na iba pang indibidwal mula sa 677 na pangalang nakasaad sa mga resibo na pinaggamitan naman ng confidential fund ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara Duterte. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us