Tumaas ang naitalang rockfall events sa Bulkang Mayon kumpara sa mga nakaraang araw. Ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong umaga, December 26, nakapagtala ng 20 rockfall events at isang volcanic earthquake sa bulkan. Sa kabila nito, nananatiling nakataas sa Alert Level 1 ang estado ng Mayon at nakapagtala din ng mahinang banaag o crater glow sa bunganga ng bulkan, ngunit natatakpan ito ng ulap.
Nakapagtala din ng nasa 1,058 tonelada bawat araw ng Sulfur Dioxide na ibinunga ng Bulkang Mayon batay sa monitoring ng ahensya noong December 2, at katamtamang pagsingaw o plume na napadpad sa kanluran-timog-kanluran at kanluran-hilagang kanluran. Nagkaroon din ng panandaliang pamamaga ang bulkan.
Sa ngayon, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 6 km Permanent Danger Zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Nagbigay din ng paalala ang ahensya sa publiko na maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions sa bulkan, o magkaroon ng rockfall mula sa tuktok ng bulkan. Maaari ding maganap ang pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan. | ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay