Resulta ng collaborative process o pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, kabilang ang publiko, ang 2025 General Appropriations Act (GAA) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang pahayag ni Senate President Chiz Escudero kasabay ng pag-welcome sa pagsasabatas ng pambansang pondo para sa 2025.
Ayon kay Escudero, ang naging masusing rebyu sa national budget ay isang positibong senyales na nakikinig ang punong ehekutibo at buhay ang demokrasya sa Pilipinas.
Bagamat natagalan aniya ang pagpirma ng 2025 GAA ay dumaan naman ito sa masusing pag-aaral ni Pangulong Marcos Jr. at ng kanyang economic team, na bahagi lang ng normal budget process.
Binigyang diin ni Senate President na ang GAA ay hindi lang ang pinakamahalagang panukalang batas kundi ang pinaka kumplikadong panukala na pinapasa ng kongreso taun-taon.
Kaya naman hindi na aniya nakakagulat na mas mahaba at kontrobersiyal ang proseso nito kumpara sa ibang mga panukala at mga batas.
Ang mahalaga ngayon, ayon kay Escudero, ay napirmahan na ang 2025 GAA bago matapos ang taon at naiwasan ng bansa ang pagkakaroon ng reenacted budget. | ulat ni Nimfa Asuncion