Hinikayat ni Speaker Martin Romualdez ang bawat Pilipino na salubungin ang 2025 nang may pag-asa, pagkakaisa at determinasyon para sa isang mas matatag na Pilipinas.
“Sa ating pagsalubong sa Bagong Taon, nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pagbati ng isang mapayapa, masagana at puno ng pag-asa na 2025 para sa bawat pamilyang Pilipino,” saad ni Speaker Romualdez.
Aniya, ang Bagong Taon ay isang simbolo ng bagong simula at pagkakataon upang magtulungan muli at magtatag ng mas matibay na kinabukasan para sa ating bayan.
Batid ng lider ng Kamara na maraming tagumpay na nakamit at hamon na hinarap ang Pilipinas nitong 2024, lalo na nang tumama ang magkakasunod na kalamidad.
Ngunit ipinamalas aniya ng bawat isa ang katatagan, pagkakaisa at diwa ng bayanihan.
“As we step into 2025, let us carry with us the lessons of the past year. Let us remain united in our resolve to rise above challenges, to rebuild what has been lost and to ensure that no Filipino is left behind,” sabi pa niya.
Pagsiguro naman ni Romualdez na ipagpapatuloy ng Kamara ang pangako nito na tumugon sa mga kinakailangan ng bansa sa pamamagitan ng lehislasyon.
“Bilang lider ng House of Representatives, nais kong tiyakin na ang inyong Kongreso ay mananatiling kaisa ninyo sa pagsusulong ng mga batas na tunay na makatutulong sa buong bansa. We remain strong in our commitment to prioritize legislation that will uplift the lives of our people – laws that will spur economic growth, improve public services and strengthen disaster resilience,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang masigurong ang bawat Pilipino ay may access sa pangunahing serbisyo publiko.
Panawagan pa niya na magsama-sama ang bawat isa sa pagtaguyod ng Bagong Pilipinas kung saan ang bawat Pilipino ay may oportunidad, may seguridad at may pag-asa.| ulat ni Kathleen Forbes