Naitala ng Department of Health (DOH) ang aabot sa 350 kaso ng road traffic incidents ngayong holiday season magmula Disyembre 22 hanggang ngayong araw, Disyembre 28, 2024 ng alas-6:00 ng umaga.
Ayon sa ulat, mula sa walong pilot sites na minomonitor ng ahensya, ito ay mas mataas ng 23% kumpara sa parehong panahon noong 2023.
Sa mga kaso, tatlo ang naitalang nasawi, kung saan dalawa sa mga ito ay walang suot na helmet habang nagmomotorsiklo. Bukod dito, 239 sa mga kaso ay kinasangkutan ng nagmomotorsiklo, 63 ay may kaugnayan sa pag-inom ng alak, at 306 ang hindi gumamit ng safety accessories.
Hinikayat ng DOH ang publiko na sundin ang mga safety guidelines tuwing nagmamaneho gaya ng pagsusuot ng helmet at seatbelt, pag-iwas sa pagmamaneho kung pagod o naka-inom ng alak, at pagsunod sa speed limits. Paalala rin ng health department na laging tiyakin na may sapat na tulog at iwasan ang distractions tuwing bibiyahe.
Sa panahon ng anumang emergency, maaring tumawag sa 911 o sa DOH emergency hotline 1555. | ulat ni EJ Lazaro