Iprinisinta ng National Bureau of Investigation (NBI) ang na-rescue nilang kasambahay na ikinulong matapos na madiskubre na illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub operation ang 3rd floor ng pinapasukan bilang kasambahay.
Na-rescue ng NBI ang kasambahay na si Let Let, matapos na magkaroon ng pagkakataon na makontak ng biktima ang kaibigang driver na siyang humingi ng tulong sa NBI, na agad na nagsagawa ng operation.
Ayon kay NBI Director Santiago, agad na nagsagawa ng operasyon ang NBI sa Multinational Village sa Lungsod ng Parañaque kung saan ikinulong sa naturang bahay ang katulong, matapos na mabuking na illegal POGO operation pala ang 3rd floor ng inuupahang bahay.
Hindi rin napapasahuran ng tama si Let Let bilang kasambahay na ang usapan na buwanang sahod ay P18,000 subalit ang natatanggap lamang niya minsan ay P7,000.
Nahaharap naman sa patong patong na kaso ang naarestong pitong Chinese nationals bukod pa sa kasong human trafficking.
Pinag-aaralan din ng NBI kung may pananagutan din ang may ari ng bahay at ang Home Owners Association ng Multinational Village, sa pagkakadiskubre ng illegal POGO operation sa kanilang nasasakupan. | ulat ni Lorenz Tanjoco