Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang adjusted operating hours ng mga pangunahing mass transit sa Metro Manila partikular na ng LRT at MRT.
Ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista, layon nito na ma-accomodate ang dagsa ng mga pasahero bilang paghahanda sa Pasko at Bagong Taon.
Simula December 16 hanggang 24, magsisimula ang unang biyahe para sa MRT ng 4:30 AM buhat sa North Avenue Station habang ang huling biyahe naman ay sa ganap na 10:34PM hanggang December 23.
Ala-5 naman ng umaga magsisimula ang biyahe ng LRT Line 2 mula Antipolo patungong Recto stations mula Disyembre a-17 hanggang a-23, 24 at a-31 at babalik naman sa regular operating hours mula Disyembre a-25 (Pasko) hanggang a-30 at Enero a-1.
Alas-4:30 naman ng umaga ang unang biyahe ng LRT 1 mula Dr. Santos Station patungong FPJ Station at pabalik epektibo Disyembre a-20 hanggang a-23 at Disyembre a-26 hanggang a-27.
Habang ang huling biyahe naman ay sa ganap na alas-10:30 ng gabi mula Dr. Santos at 10:45 ng gabi mula FPJ station epektibo Disyembre a-20 hanggang a-23.
Payo ng DOTr sa publiko, planuhing maigi ang kanilang biyahe ngayong panahon ng kapaskuhan. | ulat ni Jaymark Dagala