Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi ito magpapatinag sa posisyon nito sa West Philippine Sea.
Ito’y sa kabila ng mga birada ng China dahil sa anito’y hindi “factual” o hindi makatotohanan ang pag-aangkin ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, may mga maling impormasyon na sinasadya aniyang ipakalat na layuning linlangin ang publiko.
Subalit hawak aniya ng Pilipinas ang mga lehitimong dokumento na magpapatunay sa pag-aangkin nito sa mga teritoryo sa WPS gaya ng desisyon ng International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ginawa ni Trinidad ang pahayag kasunod ng mga pinakahuling insidente ng panggigipit ng China sa Pilipinas partikular na ang sinapit ng mga mangingisda sa Rozul Reef.
Gayundin ang pagbangga at pagbomba ng tubig ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc maging sa Escoda Shoal. | ulat ni Jaymark Dagala