Hindi titigil sa internal security operations ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kahit naibaba pa sa isa ang ‘weakened guerilla front’ ng New People’s Army (NPA).
Ito ang sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad kasabay ng anunsyo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na tatlo pang unit ng NPA ang tuluyang nalansag ng gobyerno.
Mula sa natitirang apat na weakened guerilla front, inihayag ng NTF-ELCAC na pirma na lang sa national level ang kulang para pormal na ideklarang isa na lang ang natitirang weakened guerilla front ng mga rebeldeng terorista.
Ayon pa sa NTF-ELCAC, mahigit 1,000 na lang ang natitirang miyembro ng NPA, at mas kaunti pa rito ang bilang ng mga armas na hawak nila.
Samantala, sa ibang panayam sinabi naman ni AFP Spokesperson Col. Francel Padilla na hindi magpapakakampante ang AFP.
Matatandaang target ng AFP na maubos ang mga NPA unit ngayong 2024, habang nakatuon ito sa external at territorial defense.| ulat ni Diane Lear