Muling nanawagan ang Akbayan Partylist sa Department of Transportation (DOTr) na gawing regular ang late night train operations ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3 sa buong taon, kasunod ng anunsyo ng ahensya na magpapalawig ng oras ng operasyon mula Disyembre 16 hanggang 23.
Ayon kay Akbayan Representative Perci Cendaña, dapat pag-isipan ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang panukala para sa mas maayos na serbisyo sa mga pasahero.
Binigyang-diin ng Akbayan ang pangangailangan ng malawakang konsultasyon sa mga pasahero upang matalakay ang mga posibleng solusyon sa pagbuti ng commuting experience.
Kabilang sa mga suhestiyon ang MWF schedule para sa midnight train operations o pagbawas ng train frequency sa mga kalaliman ng gabi.
Makikinabang lalo dito aniya ang BPO workers, night shift employees, negosyong nakikinabang sa extended service at mga eksperto.
Ipinunto rin ng Akbayan ang “best practices” ng mga karatig-bansa tulad ng Bangkok, Taipei, Kuala Lumpur, Jakarta, at Singapore na nagpapatakbo ng tren hanggang hatinggabi.
Sa kabila ng pagtutol ng DOTr sa naturang panukala, naglunsad na ang Akbayan ng signature campaign upang makalikom ng suporta mula sa mga pasahero. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes