Itinutulak ngayon ni Tingog Party-list Representative Jude Acidre ang “Anti-Solicitation to Murder Act.”
Ang panukala ay kasunod na rin ng pag-amin ni Vice President Sara Duterte na may kinausap na siyang tao para targetin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Giit niya na hindi maaaring balewalain na lang ang ganitong pahayag.
Ang House Bill 11166 ay hango aniya sa ibang mga bansa na mayroon ding batas laban sa solicitation ng murder o pagpapapatay.
Sa kasalukuyan kasi ang pinakamalapit na batas na mayroon tayo ay ang grave threat sa ilalim ng Revised Penal Code.
Maaari din aniya ang principal by inducement, ngunit kailangan na matuloy ang pagpatay.
Nakasaad sa panukala na ituturing na solicitation to murder ang paghimok, paghikayat o pagtutulak sa isang indibidwal na pumatay, direkta o hindi, may pabuya man o wala.
Kung maisakatuparan ang pagpatay, ang parusang ipapataw ay katumbas ng parusa sa murder na reclusion perpetua.
Kung ito naman ay magresulta sa attempted murder o attempted homicide, papatawan ito ng reclusion temporal.
At kung hindi naman matuloy ang pagpatay ang krimen ng solicitation ang papatawan ng parusang prision mayor. | ulat ni Kathleen Forbes