Binigyang-diin ni Philippine Army Commanding General Lieutenant General Roy Galido ang pangako ng Philippine Army na pangalagaan ang kapakanan at moral ng mga sundalo.
Ito ay sa isinagawang Christmas gift-giving sa Victoriano Luna General Hospital sa Quezon City ngayong araw.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Lt. Gen. Galido na ang aktibidad na ito ay patunay na hindi pababayaan ng Philippine Army ang mga sugatang sundalo, lalo ngayong Kapaskuhan.
Ayon sa Army Chief, ang mga regalo ay simbolo ng patuloy na suporta ng Philippine Army sa mga sundalo sa panahon ng pagsubok.
Tiniyak din ni Galido sa mga sugatang sundalo, partikular sa mga nasugatan sa bakbakan, na patuloy ang pagsisikap ng Philippine Army na matugunan ang kanilang mga pangangailangan nitong medikal.
Bahagi ito ng pangako ng Philippine Army na unahin ang kalusugan at kapakanan ng mga sundalo, na itinuturing nilang pinakamahalagang asset ng organisasyon. | ulat ni Diane Lear