Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa publiko na maging mapagbantay sa mga “text hijacking” kung saan target ng mga ito ang financial consumers.
Ang “text hijacking” ay isang modus operandi o isang paraan ng “smishing attack” kung saan ang mga manloloko ay gumagamit ang lehitimong SMS Sender ID upang magpadala ng mga malisyosong text message.
Ginagaya ng mga manloloko ang ID ng financial institutions na naglalaman ng delikadong link, na naglalayong i-access sa mga account ng biktima.
Nagbabala rin ang BSP sa mga manloloko na gumagamit ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catchers, ang device na nagbo-broadcast ng mas malakas na signal upang makompromiso ang mga sensitibong impormasyon ng mga biktima.
Upang maprotektahan laban sa pag-hijack ng text, payo ng BSP na huwag kailanman mag-click ng mga link sa mga mensahe kahit na mukhang nagmumula ang mga ito sa isang kilalang bangko, e-money provider, o ano mang financial institutions.
Tiniyak din ng Sentral Bank, na nagsasagawa na sila ng mga hakbang upang tugunan ang issue ng “text hijacking” katuwang ang mga BSP Supervised Financial Institutions at pangunahing stakeholders. | ulat ni Melany Valdoz Reyes