Pinahayag ni Senate President Chiz Escudero na napapanahon ang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng batas na magbibigay ng loan payment moratorium sa mga estudyante tuwing panahon ng kalamidad o ang RA 10277 lalo’t mas napapadalas at lumalakas ang mga bagyong dumadaan sa Pilipinas.
Ayon kay Escudero, matutugunan nito ang pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng nagda-drop out sa mga paaralan dahil sa problemang pinansyal.
Nilinaw naman ng senate president na ang batas ay hindi layong burahin ang utang ng mga estudyante kundi pansamantala lang itigil ang obigasyon nilang bayaran ang kanilang utang habang umiiral ang deklarasyon ng state of calamity o emergency at dagdag 30 days pagkatapos alisin ang deklarasyong ito.
Tinitiyak aniya ng batas na hindi maaapektuhan ng pagkuha ng moratorium ng loan payment ng isang estudyante ang kanyang eligibility na makapag-enroll muli o maka-graduate.
Wala ring interes o multa na ipapataw sa utang ng mga estudyante at hinihikayat rin ang mga paaralan na magbigay ng paborableng payment term at iba pang tulong sa mgas apektadong estudyante.
Binigyang diin ni Escudero na ang batas na ito ay nagpapakita ng diwa ng ‘damayan’ sa mga Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion