Inaprubahan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo para sa 10 pambihirang sakit sa ilalim ng kanilang Z Benefit Package.
Ayon kay PhilHealth President, Dr. Emmanuel Ledesma, ito’y makaraang makakuha ng ‘go signal’ mula kay Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa sa nakalipas na pagpupulong ng Board noong November 28.
Kabilang dito, ani Ledesma, ang mga sakit gaya ng Maple Syrup Urine Disease, Methylmalonic Acidemia/ Propionic acidemia, Galactosemia, Phenylketonuria, Gaucher Disease, Pompe Disease, Fabry Disease, Hunter and Morquio Syndromes, at Osteogenesis Imperfecta.
Bukod dito, kinumpirma rin ni Ledesma na inaprubahan din ng PhilHealth Board ang kanilang packages para sa Acute Myocardial Infarction (AMI) o heart attacks, peritoneal dialysis, at kidney transplants. | ulat ni Jaymark Dagala