Umaasa ang mga nagtitinda ng kakanin sa Marikina City na bubuti na ang lagay ng panahon bukas hanggang sa pagpapalit ng taon.
Ayon sa mga nagbebenta ng kakanin sa JP Rizal Street sa Barangay San Roque, maganda naman ang bentahan sa ngayong dalawang araw na lamang bago ang 2025.
Pero naniniwala silang may ilalakas pa ang bentahan ng mga kakanin kung maganda ang lagay ng panahon.
Karaniwan kasing tinatamad lumabas ang mga mamimili kapag maulan ang panahon kaya’t umaasa silang gaganda ang panahon upang mapaganda rin ang kanilang bentahan.
Nabatid na nasa ₱20 hanggang ₱30 ang itinaas sa presyo ng mga kakanin buhat nitong Disyembre.
Ang Puto Biñan ay nasa ₱300 ang kada malaking bilao, ang isang malaking box ng bibingka ay nasa ₱380 at ang sapin-sapin ay nasa ₱220 ang medium box habang ang isang balot ng suman na may kasamang pinipig at latik ay nasa ₱120. | ulat ni Jaymark Dagala