Pormal nang hinirang ni Pope Francis si Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan bilang Cardinal sa isang makasaysayang seremonya sa St. Peter’s Basilica sa Vatican nitong Sabado.
Si Cardinal David, na kasalukuyang Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ay kabilang sa 21 bagong cardinal mula sa anim na kontinente na itinalaga ni Pope Francis sa kanyang ika-10 consistory sa loob ng 11-taong pontificate.
Sa seremonya, tumanggap si David ng pulang biretta, cardinal’s ring, at dokumentong nagtatakda ng kanyang titular church. Sa kanyang homily, hinimok ng Santo Papa ang mga bagong cardinal na lumakad sa landas ni Hesus na may kababaang-loob, pagkakaisa, at kagalakan.
Si Cardinal David ang ika-10 Filipino cardinal sa kasaysayan at isa sa mga malalapit na tagapayo ng 87-anyos na Santo Papa. Bukod sa pagiging obispo ng Kalookan, nagsilbi rin siya bilang vice president ng Federation of Asian Bishops’ Conferences at kasalukuyang pinuno ng CBCP mula pa noong 2021.
Ang College of Cardinals ngayon ay may 256 miyembro, 141 dito ang electors na maaaring bumoto sa susunod na Santo Papa.| ulat ni EJ Lazaro