Itinaas na ng Provincial Government ng Davao del Norte, Davao de Oro at Davao Oriental ang Blue Alert Status dahil sa epekto ng Bagyong #QuerubinPH.
Nararanasan ngayon ang walang tigil na ulan simula pa kahapon sa tatlong probinsya at sa iba pang bahagi ng Davao Region.
Naka-activate na rin ang Emergency Operations Center at Response Cluster ng tatlong probinsya upang mapalakas ang monitoring at masiguro ang mabilis na pagresponde at pagpapakilos ng mga kagamitan kung kinakailangan.
Una nang inabisuhan ng Office of the Civil Defense Davao ang lahat ng local government units (LGU) sa rehiyon sa paghahanda sa mga resources at food packs para sa posibleng epekto ng masamang panahon.
Kabilang sa mga pinapahanda ay ang mga evacuation centers para sa posibleng pagpapalikas ng mga residente.
Samantala, dahil sa masamang epekto ng panahon, nagpatupad na ng class suspensions ang ilang local government units (LGUs) sa Davao Region. Kabilang na dito ang Mati City at Caraga sa Davao Oriental, Monkayo at Nabunturan sa Davao de Oro, maging ang Panabo City, Carmen, Island Garden City of Samal, Sto. Tomas, Braulio E. Dujali at New Corella sa Davao del Norte.| ulat ni Sheila Lisondra| RP1 Davao