Inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mananatiling nasa kontrol ang inflation para sa huling buwan ng taon, alinsunod sa target na itinalaga para sa 2024.
Ayon sa pinakabagong pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), inaasahang papalo ang inflation para sa Disyembre 2024 sa pagitan ng 2.3% hanggang 3.1%. Para sa buong taon, tinatayang mag-a-average naman ito sa 3.2%, na pasok sa itinakdang target na 2% hanggang 4%.
Ipinaliwanag ng BSP na ang posibleng pagtaas ng presyo nitong Disyembre ay dulot ng mas mahal na mga pangunahing bilihin, gaya ng pagkain, bunsod ng mga nakaraang kalamidad, pagtaas ng singil sa kuryente, at presyo ng petrolyo. Gayunpaman, inaasahang mababalanse ito ng mas mababang presyo ng ilang produktong agrikultural, gaya ng bigas.
Patuloy namang babantayan ng BSP ang mga kaganapang makakaapekto sa ekonomiya at gagamit ng datos para sa mga desisyon sa polisiya ng pananalapi.
Nitong Nobyembre umabot sa 2.5% ang naitalang inflation sa bansa, bahagyang mas mataas nitong Oktubre na dulot ng sunod-sunod na bagyo na nakaapekto sa suplay ng pagkain at logistics. | ulat ni EJ Lazaro