Ipinagmamalaking ipinakilala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang First Philippine Polymer (FPP) Banknote Series sa isang makasaysayang seremonya sa Malacañang Palace ngayong Huwebes, December 19, 2024.
Personal na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang okasyon na nagbigay-diin sa progreso ng bansa sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa salapi. Ang FPP Banknote Series ay kinabibilangan ng P500, P100, at P50 denominations na nagtatampok ng advanced features at disenyo.
Ayon kay BSP Governor Eli Remolona, ang FPP Banknote Series ay matatawag na smarter, cleaner, stronger. Ang mga polymer banknotes ay may advanced na anti-counterfeiting features na nagbibigay ng mas mataas na proteksyon laban sa pamemeke. Mayroon din itong mas mababang carbon footprint dahil mas kaunting enerhiya at likas na yaman ang kinakailangan para sa produksyon. Bukod dito, ang mga polymer banknotes ay cleaner dahil mas maikli ang pananatili ng viruses at bacteria sa ganitong uri ng materyal kumpara sa paper banknotes.
Masasabing stronger din ang polymer banknotes dahil mas matibay ito at tumatagal nang dalawa hanggang limang beses na mas mahaba kaysa sa paper counterparts. Ang mga materyales nito ay fully recyclable, kaya’t sinusuportahan nito ang layuning magtaguyod ng environmental awareness. Bukod dito, tampok sa mga banknotes ang endangered species pati na rin ang mga weave designs mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa na kumakatawan sa mayamang kultura at biodiversity ng Pilipinas. Mayroon din itong mga disenyo na tumutulong sa mga visually challenged na nagpapakita ng pagiging inklusibo ng bagong serye ng salapi.
Matatandaang noong Abril 2022, inilabas ng BSP ang P1,000 polymer banknote na tampok ang Philippine Eagle at Sampaguita. Ngayong Huwebes, opisyal namang ipinakilala ang iba pang denominations ng FPP Banknote Series bilang simbolo ng pag-usbong at pambansang pagkakakilanlan ng mga Pilipino. | ulat ni Emmanuel Bongcodin
📸 RTVM