Nagpahayag ng pagkabahala si Senator Loren Legarda sa pagkakatapyas ng P12 billion sa panukalang 2025 budget ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Legarda, posibleng magdulot ng negatibong epekto ang hakbang na ito sa mga mag-aaral at mga guro, maging sa kinabukasan ng bansa.
Ipinunto ng senator na sa nakaltas na budget, P10 billion ang para sana sa computerization program ng ahensya na magbibigay ng mga educational technology package sa mga pampublikong paaralan, kabilang na ang IT infrastructure, networking facilities at information systems.
Aniya, ang pagkaltas sa budget nito ay posibleng magpalawak sa digital divide lalo na sa mga komunidad na kulang o walang mga kagamitan.
Binigyang diin ni Legarda na sa panahon ngayon, ang digital access ay hindi na luho kung hindi isang pangangailangan.
Sinabi pa ng mambabatas, na dapat panindigan ng estado ang pagbibigay prayoridad sa edukasyon, sa pamamagitan ng pagbibigay ng tuloy-tuloy na pondo para sa mga regular na programang direktang pakikinabangan ng mga mag-aaral at mga guro. | ulat ni Nimfa Asuncion