Iginiit ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre na makikinabang pa rin ang mga Pilipino sa ginawang budget cut sa subsidiya ng PhilHealth para sa susunod na taon.
Ayon kay Acidre ang inalis na ₱74-billion subsidy para sa state health insurer ay inilipat sa proyekto na magbibigay pa rin ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.
Partikular dito ang pagpapatayo ng Philippine Cancer Center, pagkompleto ng improvements at expansion sa National Kidney at Lung Center of the Philippines, at pagpapalakas ng specialty centers at regional hospitals.
Bilang miyembro ng Bicameral Conference Committee, sinabi ni Acidre na tinimbang nilang mabuti kung bibigyan pa rin ba ng subsidiya ang PhilHealth gayong kailangan muna nitong isaayos ang paggamit sa napakalaking pondo na hawak nila.
“Ganito lang ho yun, kung nakikita mo ang binigay mo dati ay hindi pa nagagamit, bakit mo dadagdagan para lang i-exacerbate yung efficiency na mayroon ang isang agency?” paliwanag ni Acidre.
Sinabi pa ng mambabatas, mula 2014 at kahit na nagdaan na ang pandemya ay hindi nakaramdam ng pagtaas sa case rate o expansion sa benefits mula sa PhilHealth.
Katunayan, nitong Pebrero lang aniya, ginawa ang unang pagtaas ng case rate.
“Nung 2014 ang case rates natin halos katorse porsyento lang din ang nako-cover, kung kaya ang tao sinasabi, ang konti lang naman ng nababawas sa PhilHealth natin at eto pa, dumaan pa yung pandemya, dumaan tayo ng kung anong healthcare emergency, the whole time hindi in-increasan. In fact ngayon lang ho, February, nagkaroon muli ng adjustment ng 2014 sa panahon ng Pangulong Bongbong Marcos. For example, ang normal delivery dati 7,000 lang ang case rate. Nung February, kasi tinaon sa Valentines, naging 9,000…” paliwanag ni Acidre.
Tinukoy pa ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega na sa LGU, umaabot ng milyon ang utang ng PhilHealth sa mga maliliit na ospital dahil sa hindi agad nababayarang reimbursement.
Kaya minsan, mismong lokal na pamahalaan ang nagdaragdag ng pondo para tulungan ang lokal na ospital.
“May problema po talaga sa fiscal management … halos every three months, every two months kinakailangan namin mag-supplemental kasi nahihirapan ang district hospitals namin dahil anong karaniwan sinasabi ng administrator ng hospital, hirap na hirap sila maningil sa PhilHealth,” ani Ortega.
Panawagan naman ni Zambales Representative Jay Khonghun sa pamunuan ng PhilHealth na kung hindi nila kaya gawin ang kanilang mandato ay umalis na lang sila sa pwesto.
“Ako personally nananawagan ako sa ating pamunuan ng PhilHealth na ayusin yung kanilang utilization at ibalik yung serbisyo sa ating mamamayan. Dahil kung hindi, baka mapilitan tayo na manawagan sa PhilHealth sa mga opisyales ng PhilHealth, kung hindi nila kayang gawin ang trabaho nila, umalis sila diyan at hayaan ang ating pamahalaan, ang ating administration, na maghanap ng mga tao na kayang bigyan ng solusyon ang problema ng PhilHealth,” giit niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes