Habang nakataas ang alert level 1 sa Bulkang Mayon, nakapagtala ito ng 2 volcanic earthquakes at 1 rockfall event, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong araw, December 12. Sa kabila nito, nakapagtala ng mahinang banaag o crater glow sa bunganga ng bulkan na natatakpan ng mga ulap.
Nakapagtala din ng nasa 1,058 tonelada/araw ng Sulfur Dioxide na ibinunga ng Bulkang Mayon batay sa monitoring ng ahensya noong December 2 at katamtamang pag-singaw o plume na napadpad sa kanluran-timog-kanluran at kanluran-hilagang kanluran. Nagkaroon din ng panandaliang pamamaga ang bulkan.
Sa ngayon, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 6 km Permanent Danger Zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan. Nagbigay din ng paalala ang ahensya sa publiko na maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions sa bulkan o magkaroon ng rockfall mula sa tuktok ng bulkan. Maaari ding maganap ang pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Patuloy na pinapayuhan ng PHIVOLCS ang mga residente sa mga kalapit na lugar na maging alerto at sumunod sa mga abiso ng mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. | ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay