Inihayag ng Kamara ang buong suporta nito para kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr., bilang simbolo ng soberanya ng bansa at nangako na lalabanan ang anumang banta sa demokrasya at planong destabilisasyon.
Nakasaad ito sa manifesto na nilagdaan ng liderato ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez.
Personal itong iniabot ng mga mambabatas kay PBBM sa isinagawang Christmas fellowship sa Malacañang, Miyerkules ng gabi.
“Guided by the Philippine Constitution as the supreme law of the land, we, the Members of the House of Representatives of the Republic of the Philippines, reaffirm our unwavering commitment to defend the democratic institutions and sovereignty of our nation,” saad sa manifesto.
Ipinapakita nito ang pagkakaisa ng lehislatura sa pagprotekta ng umiiral na democratic principles at national stability.
Muli rin nilang inihayag ang katapatan kay Pang. Marcos na inihalal ng 31 milyong Pilipino na pinakamataas na boto para sa presidente ng bansa sa kasaysayan ng Pilipinas.
“The Philippine Constitution entrusts us with the solemn duty to protect the nation from threats – both internal and external – that seek to undermine our independence, security and democracy. Recognizing the significant challenges facing the President and his administration, we unite in declaring our firm support for the President and his vision for a Bagong Pilipinas,” sabi ng mga mambabatas.
Maliban sa House Speaker, nilagdaan din ito nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, at mga kinatawan ng political parties mula Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), National Unity Party (NUP); Nationalist People’s Coalition (NPC); Nacionalista Party (NP); Partido Federal ng Pilipinas (PFP) Member; at Partido Navoteño.
Iprinisenta rin ng mga kongresista ang pinagtibay na House Resolution 277 na naghayag ng buo at hindi natitinag na suporta at pakikiisa ng House of Representatives sa liderato ni PBBM.
Ang paghahayag na ito ng suporta ay kasunod na rin ng mga pagbabanta sa buhay ng Chief Executive at panghihimok sa unipormadong hanay na tumalikod sa pamahalaan.
“At all costs, we will stand united with President Ferdinand R. Marcos, Jr. to uphold and defend the Constitution, ensure the welfare of our people and safeguard the future of our nation.” pagtiyak pa ng mga mambabatas.| ulat ni Kathleen Forbes