Suportado ni Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte ang panukalang muling i-centralize ang kontrol at serbisyong pang-agrikultura at pangisdaan mula sa mga lokal na pamahalaan pabalik sa Department of Agriculture (DA).
Sang-ayon si Villafuerte kina Senate President Francis Escudero at DA Secretary Francisco Tiu Laurel na muling ibalik sa DA ang control upang masolusyunan ang matagal nang problema sa mababang produksyon.
Paliwanag ng mambabatas na ang devolution ng mga serbisyong pang-agrikultura sa ilalim ng Local Government Code (LGC) of 1991 ang pangunahing sanhi ng pagkawala ng ugnayan sa pagitan ng DA at local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa agrikultura at pangisdaan.
Samantala, pinuri naman ng CamSur solon si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa pagsuporta nito sa pagsusuri ng LGC upang mapalakas ang LGUs.
Naniniwala si Villafuerte na ang renationalization ng mga serbisyong pang-agrikultura ay makatutulong upang mabilis na maipatupad ng DA ang mga programa at masolusyunan ang matagal nang suliranin sa sektor ng agrikultura. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes