Hinimok ni Cardinal Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang mga mananampalataya na gawing pagkakataon ang Jubilee Year para sa espirituwal na pagbabago at reporma sa Simbahan.
Sinabi ni Cardinal David na dapat palalimin ng bawat isa ang kanilang pananampalataya at misyon bilang bahagi ng Simbahan, kasabay ng pagtutulungan at pagkakaisa bilang komunidad.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng pagbabago sa mga proseso ng Simbahan para ito’y maging mas bukas, mapanagot, at mapagkakatiwalaan.
Pinaalalahanan din niya ang mga Pilipino na maging saksi ng pag-asa sa gitna ng mga hamon ng kasalukuyang panahon.
Nitong Disyembre 24, sa pagbubukas ng mga banal na pintuan ng St. Peter’s Basilica sa Vatican, pormal na pinasinayaan ni Pope Francis ang pagbubukas ng Jubilee Year para sa Simbahang Katolika.
Ang Jubilee Year, na tradisyonal na idinideklara ng Universal Church tuwing ika-25 taon, ay isang espesyal na panahon na inilaan upang hikayatin ang mga mananampalataya na magsisi sa mga kasalanan, magpatawad, muling magtuon ng pansin sa kanilang espirituwal na buhay, gayundin ang maglakbay sa mga pilgrimage sites.
Magtatagal ang Jubilee of Hope hanggang Enero 6, 2026, kasabay ng Kapistahan ng Epipanya.| ulat ni EJ Lazaro