Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi nila nakikita na magkakaroon ng ‘carmageddon’ sa mga pangunahing lansangan ngayong holiday season.
Ayon kay MMDA Chairperson Atty. Don Artes, malabong umabot sa kalahating milyon ang mga sasakyan na inaasahang dadaan sa EDSA kada araw kahit sa gitna ng holiday rush.
Posible aniyang aabot lamang sa 480,000 ang bilang ng mga sasakyan na dadaan sa EDSA kada araw, mula sa kasalukuyang mahigit 400,000 na naitala sa kanilang monitoring.
Paliwanag ni Artes, matatawagan lamang ng ‘carmageddon’ kapag naging malaking parking lot na ang EDSA na mangyayari lamang kung lalampas sa 480,000 ang bilang ng mga sasakyan sa nasabing daanan, na may kapasidad lamang ng mahigit 200,000 na motorista.
Siniguro ng MMDA, na ginagawa ng ahensya ang lahat ng hakbang upang maibsan ang bigat ng trapiko dulot ng holiday rush, kabilang na ang pagpapaluwag ng Mabuhay Lanes o mga alternatibong ruta. | ulat ni Diane Lear