Isinagawa ng Coast Guard Special Operations Force (CGSOF), sa ilalim ng pamumuno ni Rear Admiral Innocencio Rosario Jr., PCG, ang isang Tactical Operator’s Challenge sa PCG K9 Firing Range, Coast Guard Base sa Taguig City bilang bahagi ng ika-52 anibersaryo ng yunit.
Layunin ng aktibidad na ito na ipakita ang masusing pagsasanay ng mga tauhan ng CGSOF para sa mga high-risk maritime security missions. Dito lumahok ang mga miyembro ng iba’t ibang operating at support units sa serye ng iba’t ibang hamon na sumubok sa kanilang kakayahan sa mga taktikal na senaryo.
Bukod dito, binigyan din ng pagkakataon ang mga stakeholders na maranasan ang aktwal na operasyon, na nagbigay sa kanila ng mas malalim na pag-unawa sa kasanayan at kahusayan ng CGSOF.
Ang tagumpay ng naturang aktibidad ay hindi lamang selebrasyon ng kanilang kasaysayan, kundi pagpapalakas din ng ugnayan sa mga katuwang na sektor, na patunay ng dedikasyon ng CGSOF sa pagbabantay ng seguridad sa karagatan ng bansa. | ulat ni EJ Lazaro