Lumobo sa P375-M ang naitalang confidential expenses ng Office of the Vice President para sa taong 2023, batay yan sa inilabas na annual audit report ng Commission on Audit (COA).
Tripe na mas mataas ito sa confidential expenses ng naturang tanggapan noong 2022.
Higit doble rin ang itinaas ng travel expenses ng OVP sa nakalipas na taon.
Sa financial statement ng OVP, tumaas sa P42-M ang gastos sa mga biyahe ng OVP noong 2023 kumpara sa P20-M noong taong 2022.
Aabot sa P31.43-M ang inilaan sa local travels o biyahe sa loob ng bansa na mas mataas ng 68.8% mula sa P18.62-M noong 2022.
Lumobo naman sa P11.15-M ang gastos sa overseas travel ng OVP noong 2023 mula sa P1.5M lamang noong 2022.
Sa paliwanag ng OVP, saklaw ng kanilang local travel expenses ang gastos ng Pangalawang Pangulo at ng kanyang immediate staff, Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), at mga tauhan mula sa Special Projects Division, Satellite Offices, Disaster Operations Center, at iba pang division.
Kabilang naman sa mga gastusin sa ibang bansa naman ang daily allowance at iba pang travel expenses para sa official foreign engagement at mga event na dinaluhan ni VP Sara, VPSPG, maging ang kanilang official delegation. | ulat ni Merry Ann Bastasa