Sa huling pagdinig ng House Quad Committee ngayong taon, tuluyan nang inalis ang contempt order sa ilang personalidad.
Sa mosyon ni co-Chair Joseph Stephen Paduano, inalis ang contempt order kay Cassandra Ong, incorporator at kinatawan ng Whirlwind Corporation at Lucky South 99.
Sa pagsusuri ng medical services ng Kamara, lumabas na may sakit si Ong.
Bunsod nito, makakalaya na siya mula sa detention sa Correctional Institution for Women.
Inalis na rin ang contempt order laban kay dating Bamban Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping dahil nakadetine na rin naman siya bunsod ng kinakaharap na kaso.
Maging ang contempt order ni Tony Yang, na naka-confine sa ospital sa Taguig, ay binawi na rin ng komite.
Para sa diwa ng Pasko, inalis na rin ang contempt laban kay Police Major Leo Laraga, na nagsilbi ng search warrant sa selda ni dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon naman kay lead chair Robert Ace Barbers, hindi pa rin aalisin ng komite ang contempt at arrest order laban kay dating Secretary Harry Roque. | ulat ni Kathleen Forbes