Nangako si Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel na aaralin ng kanilang legal team kung maaaring maglabas ang ehekutibo ng Executive Order upang maibalik ang ‘regulatory powers’ ng National Food Authority (NFA), partikular ang pagbebenta ng bigas sa mga palengke.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Quinta Committee, isinulong ni House Deputy Majority Leader Janette Garin na mag-isyu ang Pangulo ng Executive Order o EO para pansamantalang maibalik ang kapangyarihan ng NFA na magbenta ng bigas.
Nang maalis kasi aniya ang kapangyarihan NFA na magbenta ng bigas sa ilalim ng 2019 Rice Tariffication Law ay nagbigay daan ito sa pagkakaroon ng sabwatan sa presyuhan ng bigas.
Sinang-ayunan ito ni Tiu-Laurel.
Katunayan, noon aniyang mayroon pang regulatory powers ang NFA ay nairerehistro ang mga rice traders sa ahensya.
Kaya pinakokonsidera ni Garin na irekomenda ng DA sa ehekutibo na magkaroon ng EO para sa pagbabalik ng kapangyarihan ng NFA lalo na sa mga panahon na may ‘red flags’ o indikasyon ng manipulasyon ng presyo.
Mahaba kasi aniya ang proseso kung aamyendahan o gagawa ng bagong panukalang batas. | ulat ni Kathleen Forbes